National News
EX-CHIEF JUSTICE MARIA LOURDES SERENO, MINURA NG ISANG MARCOS-SUPPORTER SA SOCIAL MEDIA
“Ipakita mo kundi busalan ko bunganga mo gaga.”
Ikinapikon ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang comment na ito ng isang netizen sa kanyang post, dahilan kung bakit nagbabala siyang kakasuhan ang basher.
Sa kanyang official Facebook page na Meilou Sereno, nagpu-post si Sereno ng mga artikulong naglalayong magpakalat ng impormasyon tungkol sa batas. Karaniwang nagbabanggit siya ng mga credible na sources tulad ng mga Supreme Court rulings.
Sa isa sa kanyang mga post sa Facebook, isang nagngangalang Orly Gracia ang humamon sa kanyang patunayan ang kanyang mga sinabi laban sa dating pangulo na si Ferdinand Marcos.
Ini-share naman ni Sereno sa kanyang Facebook page ang screenshot ng comment sabay bigay ng “fair warning” para kay Gracia.
“Ang pagbabanta mo ay labag sa batas. Pag-iisipan ko, kung sulit na itigil ko panandalian ang ginagawa ko para maghain ng kaukulang reklamo.”
Kinalauna’y nagpadala umano ng private message si Gracia kay Sereno.
“Ma’am I’m very sorry po sa comment ko di ko napansin na kayo pala ang dating Chief Justice[…]Nadala lang po ako sa pagka-highblood ko.”
Tinanggap naman ng ex-Chief Justice ang paghingi ng tawad ni Gracia.
“…tinatanggap ko po ang paliwanag niyo at sana po hindi na kayo makaranas ng high blood.”
Nagpasya si Sereno na huwag nang magsampa ng kaso.
“Ikwekwento ko na lang po itong usapan natin bilang ehemplo ng reconciliation na maaaring mangyari sa mga kapwa-Pilipino,” tugon ni Sereno sa netizen.
“Ang mga bagay-bagay po na nakakabahala sa atin ay maaaring mapag-usapan. Ngunit mahalaga na makuha muna ang tamang impormasyon bago lumundag sa konklusyon. Ang mga pananaw ko po sa pamilyang Marcos ay hinubog ng dekadang pagmamasid at pag-aaral ng mga ebidensya at dokumento,” sinabi ni Sereno sa kanyang Facebook post.