National News
Expansion ng MORE Power Iloilo, pasado na sa 2nd reading ng senado
Inaprubahan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang House Bill 10306 na magbibigay ng otoridad sa MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) na mag-expand ng kanilang power distribution at operasyon sa 15 bayan at Passi City sa lalawigan ng Iloilo.
Dumaan muna ito sa halos 2 oras na diskusyon ng mga Senador para masiguradong wasto at maayos ang lahat na probisyon sa nasabing panukala.
Una nang nilinaw ni Ilonggo Senator Franklin Drilon na kung kailangan mang bumalik ng MORE Power sa kongreso ay kung sakaling papalitan na ang may-ari nito sa mga susunod na araw.
Samantala, ayon naman sa sponsor na si Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe, kung minority share lang ng kumpanya ang ipinapasa ng ibang shareholders at kung mananatili lang ito sa principal owner at sa korporasyon hindi na ito kailangan pang aprubahan ng kongreso.
Sinuportahan rin ito ni Senator Ralph Recto at Senator Richard Gordon at iminungkahing dapat itong isulat sa franchise para sa mas malinaw probisyon.
Ipinunto naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang posibleng maging epekto ng mga Iloilo Electric Cooperatives sa pagpasok ng MORE Power sa ipa bang bayan.
Giit ni Gatchalian, posibleng tataas ang electricity rates sa ilang bayan na hindi mapapabilang sa expansion ng MORE Power dahil mababawasan aniya ang kanilang mga kustomer kung magbibigay ang MORE Power ng mas murang singil sa kuryente at mas mainam na serbisyo.
Tugon naman ni Senator Recto, kompetisyon ang layong pagpasok ng MORE Power at ang mga konsyumer pa rin ang magbebenipisyo nito.
Mababatid na ang mga konsumidor, lokal na opisyal, at mga congressman mismo ang nanawagan sa MORE Power na pumasok sa kanilang mga lugar dahil sa mataas na bayarin sa kuryente at mabagal na serbisyo ng ILECO.
Saad pa ni Recto, hindi dapat mangamba ang ILECOs sa pagpasok ng MORE Power dahil kung totoo aniyang mainam ang kanilang serbisyo, hindi lilipat ang kanilang konsumidor sa MORE Power Iloilo.
Dagdag pa niya, nasa MORE Power ang mas malaking hamon kung paano sila makakuha ng customers at para mabawi ang planong investment na aabot sa 1.5 billion pesos.
Diin pa ng senador, siguradong gagawin umano ng MORE Power ang lahat para mapababa ang singil sa kuryente sa ilang lugar sa probinsya ng Iloilo.
Ang mga lugar na kabilang sa House Bill 10306 ay ang bayan ng Alimodian, Leganes, Leon, New Lucena, Pavia, San Miguel, Santa Barbara Zarraga, Anilao, Banate, Barotac Nuevo, Dingle, Duenas, Dumangas, San Enrique at Passi City.
Sinabi din ni Recto na hindi dapat mag-alala ang mga konsumidor sa ibang mga bayan na hindi kabilang sa expansion ng MORE Power dahil pwede rin aniya itong pag-usapan ng ILECOs at MORE Power at maaari ring isagawa ang Joint Venture Agreement.
Naniniwala rin ang mga Senador na hindi rin ito pababayaan ng mga ahensya ng Gobyerno katulad ng Energy Regulatory Commission, National Electrification Administration, Department of Energy at Kongreso.
Nilinaw rin nina Senator Drilon at Recto na hindi kasama sa isinusulong na expansion ang power to expropriate sa mga assets ng ILECOs dahil may mga franchise pa umano ang mga ito.
Ang power of eminent domain ay nasa RA 11212 franchise ng MORE Power at ginagamit ito para mag-expropriate ang mga assets ng dating distribution utility sa Iloilo City na walang prangkisa na una nang sinuportahahn ng Korte Suprema.
Itinakda ng Senado ang 3rd at final reading ng naturang panukala sa susunod na linggo na kung saan wala ng argumentong magaganap. Sa halip ay pagbobotahan na lamang ang pag-apruba nito.
Kapag maipasa na sa Senado, inaasahang isusumite ito sa Malacañang at lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago pa siya bababa sa pwesto sa Hunyo 30.