National News
Free public WiFi sa higit 100K lugar sa bansa, target ng DICT
Magkakaroon na ng free public WiFi sa higit 100,000 sites sa buong bansa ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay DICT Undersecretary Elise Rio, target ng DICT na makapag-install ng libreng public Wi-Fi sa buong bansa sa taong 2022.
“May batas na tayo kasi, itong Republic Act 10929, na may mandate ang DICT na mag-put up ng free public access to the Wi-Fi kasi ang access sa Wi-Fi, access sa impormasyon ay ngayon hindi na pribilehiyo, it is now a basic right para sa mga kababayan natin,” ani Rio.
Sinabi din ni Rio na ‘full blast na ang Wi-Fi installation ng DICT matapos ito i-launch sa San Juan, ang napiling pilot city ng ahensya para sa proyekto.
Ayon pa kay Rio, magtatayo ng mula 6,000 hanggang 7,000 access points sa buong Pilipinas, kasama na riyan ang mga public schools, mga munisipyo, kapitolyo, mga hospitals at ang mga state-owned universities at colleges.
May speed na 4Mbps ang free public WiFi ng DICT, mas mababa kumpara sa kalapit na bansa tulad ng Singapore na may up to 60 Mbps. Sapat na daw ito sa normal na speed requirements ng publiko, ayon kay Rio.
“Itong sa free WiFi, okay na ‘yung 4 Mbps kasi mga publiko rin ang gagamit dito, ang pag-download mo dito, ang pag-search mo ng mga kailangang impormasyon sa Google, mabilis na po ‘yan. Hindi na ho maghihintay ka sa pagbuo ng isang YouTube video, for example,” ani Rio.
Tinatarget ng DICT na ipantay ang bansa sa mga kalapit bansa nito sa Southeast Asia ‘in terms of the availability of free public WiFi’ sa taong 2022.
Malaki raw ang maitutulong nito sa ekonomiya ng bansa.
“‘Yung economic impact [ng wifi] po ay malaki. Once na naglagay kayo ng access to the internet, talagang ‘yung economic status ng lugar na ‘yun ay uunlad po, sigurado yan,” sabi ni Rio
Plano ding mag-lagay ng free public Wi-Fi sa 3,000 unserved ares o mga lugar na walang telco service sa bansa para sa taong ito.