Connect with us

National News

Habagat Patuloy na Magdadala ng Ulan sa Luzon; DALAWANG LPA Minamanmanan

Published

on

Habagat Patuloy na Magdadala ng Ulan sa Luzon; DALAWANG LPA Minamanmanan

MANILA – Asahan ang patuloy na pag-ulan na dala ng southwest monsoon o ‘habagat’ sa karamihan ng bahagi ng Luzon ngayong Lunes, ayon sa ulat ng PAGASA. Sa kanilang 4 a.m. advisory, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kanilang binabantayan ang isang low pressure area (LPA) na huling namataan sa layong 1,155 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon kaninang 3 a.m. na posibleng maging tropical depression.

Ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina, “Hindi natin inaalis ‘yung posibilidad na ito (LPA east northeast of extreme Northern Luzon) ay maging bagyo.” Ang LPA na ito ay kumikilos pahilaga-kaluran at hindi inaasahang tatama sa lupa .

Ang isa pang LPA ay huling namataan sa layong 2,810 kilometro silangan ng Eastern Visayas at nananatiling nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Maaaring pumasok ito sa PAR ngunit mababa ang tsansa na ito ay tatama sa lupa. “Wala pa itong epekto sa bansa,” dagdag ni Badrina. Bahagyang hanggang katamtaman ang galaw ng alon sa lahat ng coastal waters sa bansa.

Makakaranas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Rehiyon ng Ilocos at mga probinsiya ng Apayao at Abra dahil sa habagat. Inaasahan namang makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang Cagayan Valley, Central Luzon at iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region. Ang Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa at rehiyon ng Bicol ay magkakaroon din ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong ulan o pagkulog-pagkidlat dala ng habagat.