COVID-19
Hinimok ng Malacañang ang mga LGU na isagawa ang house-to-house vaccination drives
Muling hinimok ng Malacañang ang mga local government units (LGUs) na i-konsidera ang house-to-house vaccination drives upang mas maraming taong may comorbidities at senior citizens ang mabakunahan laban sa Covid-19.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang pagkakaroon ng house-to-house vaccination drives ay makakatulong sa mga nabanggit na priority groups, lalo na sa mga taong nahihirapang pumunta sa mga vaccination sites.
“Yung house-to-house campaign will be very effective para yung sa accessibility at meron din po tayong mga kababayan na talagang nahihirapan sila lumabas, nahihirapan pumunta sa vaccination sites,” sinabi ni Nograles sa panayam ng DZBB.
Nabanggit rin ni Nograles na may mga LGUs naman na gumagawa ng house-to-house vaccination drives, ngunit dapat gawin rin ito ng mga LGUs na nasa labas ng Metro Manila at neighboring provinces.
“Yung hindi makakapag biyahe. Kailangan reach out nalang tayo sa kanila,” aniya.
Binigyan niya rin ng diin ang pangangailangan ng kooperasyon sa pagitan ng national at local government pati na rin ang general public upang makamit ang vaccination goals ng bansa.
Samantala, ipinagtanggol muli ni Nograles ang directive ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga punong baranggay na higpitan ang galaw ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan.
Ito’y dahil sa pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa.
Sinabi niya rin na ayon sa mga health experts, ang mga hindi nabakunahan na nagkasakit ng Covid-19, ay may “higher risk of complications” tulad ng hospitalizations at pagkamatay dahil sa virus, kumpara sa mga nabakunahan.
“It’s really for the protection of those unvaccinated,” aniya.
Sa kasalukuyan, mahigit 54 milyong Pilipino na ang fully vaccinated.
Target ng bansa na 90 milyong Pilipino ang ma-fully vaccinate bago ang katapusan ng Hunyo.
(PNA)