National News
Ilang senador, tutol sa pag-monitor ng PNP sa social media posts para sa quarantine violators
Nagbigay ng babala si Senate President Vicente Sotto III na nag-aalinlangan ito na maipapatupad nang maayos ng Philippine National Police (PNP) ang planong pagmomonitor ng social media posts para sa mga quarantine violators.
Paliwanag pa niya, maaari umanong maharap sa kasong harrassment ang pulisya sakaling ituloy nito ang naturang hakbang.
“I think it will be very difficult to enforce properly. They will be open to harassment charges,” pahayag ni Sotto.
Pinayuhan din ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pulisya na ipatupad na lamang ang mga quarantine protocol sa lansangan.
Ayon kay Dela Rosa, dapat maging proactive na lamang ang pulisya at mag-ikot sa mga lansangan.
Aniya, hayaan na lamang umano ang social media sa mga after-the-fact bashers.
Mababatid na una nang inutusan ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang mga police commander na bantayan ang social media para matukoy ang mga lumalabag sa mga quarantine protocol katulad ng mass gathering gaya ng inuman, at mga party
Samantala, nilinaw naman ni PNP Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na ang monitoring ay limitado lamang sa mga public post, viral content at mga reklamo na iniulat ng mga concerned citizens.