National News
Imee sa mandatory na pagsusuot ng face shield: ‘Ipambili nalang ng noodles’
Binatikos ni Sen. Imee Marcos ang panibagong mandatory requirement ng Transportation department na pagsusuot ng face shield sa lahat ng mga pampublikong sasakyan simula Agosto 15.
“Dagdag pahirap ito sa ating mga kababayan. Imbes na pambili ng noodles, mapupunta sa face shield. Hindi pa ba sapat ang physical distancing at pagsusuot ng face mask? Meron pang barrier,” pahayag ni Marcos.
Diin ng senador, panibagong pasanin sa mga mahihirap na Pilipino ang mandatory requirement ng DOTr dahil marami sa ngayon ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at halos wala ng makain.
Dahil dito, nagpaalala si Marcos kay Transportation Secretary Arthur Tugade na huwag anila biglain sa gastos ang mga mamamayan at isipin ang kasalukuyang kalagayan ng mga ito.
Aniya, batid niya na dagdag proteksyon ang face shield pero hindi dapat obligahin ang lahat na bumili nito para makasakay sa mga pampublikong transportasyon.