National News
Kampo ni Marcos, tinawag na propaganda at ‘nuisance’ ang petisyon laban sa kanya
Tinawag ng kampo ni dating senador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “predictable nuisance” ang petisyon na inihain ng ilang grupo laban sa kanyang kandidatura.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, tutugon lang sila dito kapag nakatanggap na sila ng opisyal na kopya ng reklamo.
“We shall address this predictable nuisance petition at the proper time and forum. Until then, we will refrain from commenting on their propaganda. Our camp does NOT engage in gutter politics,” aniya sa isang pahayag.
Naghain ng petisyon ang ilang grupo ng human rights sa Commission on Elections nitong Martes.
Ayon sa mga petitioners, hindi kwalipikado ang anak ng diktador na tumakbo sa pagkapangulo dahil sa tax evasion conviction noong 1995 dahil sa kabiguang paghain ng kaniyang income tax returns.
Giit pa ng grupo na naglalaman ang COC ni Marcos ng “multiple false material representations” na maaaring maging basehan ng kanyang pagkadiskwalipika.