National News
Koko Pimentel, Pumunta ng Makati Med Kahit na Itinuturing na PUI, Humihingi ng Pag-unawa Matapos Mabatikos
Umani ng batikos sa social media si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III matapos umaming sinamahan niya ang kanyang asawa sa ospital sa kabila ng pagigiging isang person under investigation (PUI).
Si Pimentel ay sumailalim sa swab test noong Biyernes, Marso 20. Noong Martes, habang siya ay nasa Makati Medical Center upang samahan ang asawang nakatakdang i-ceasarean, siya ay nakatanggap ng tawag mula sa Research Institute for Tropical Medicine na siya ay nag-positibo sa COVID-19.
“Una sa lahat, hindi naman ako umuubo so hindi ako nakakalat ng droplets. Wala ako ubo so ‘wag masyado matakot,” ani Pimentel.
“Understand ko ‘yong natatakot pero ‘wag masyadong mag-discriminate kasi ngayon ko nararamdaman ‘yong discrimination actually,” dagdag pa niya.
Nanawagan si Pimentel sa publiko na unawain ang kanyang sitwasyon sapagkat masyado lang siyang nasabik na maging isang ama.
“Humihingi na lang po siguro ako ng understanding. Siyempre kahit sino namang tao, ama ay magiging excited. Hindi ko naman po alam,” dispensa ni Pimentel.
Aniya, agad siyang umalis sa ospital nang malaman niyang siya ay positibo sa COVID-19.
“Nag-disinfect naman ang ospital so tama naman po ‘yong ginawa nila,” ani Pimentel. “Umalis agad ako sa ospital, that is my duty.”
Sinabi pa ng senador na siya ay kasalukuyang naka-self-quarantine at bumubuti na ang pakiramdam.
Nagkaroon ng lagnat si Pimentel noong Marso 18 at nakaranas ng bahagyang pananakit ng lalamunan at katawan. Nagkaroon din umano siya ng diarrhea, ayon sa kanyang pahayag.
Si Pimentel ang ikalawang senador na tinamaan ng naturang virus, matapos na magpositibo si Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri.
Source: GMA News Online