National News
Libreng laptop sa bawat mag-aaral sa pampublikong paaralan, inihain ni Sen. Win Gatchalian
NAGHAIN si Senator Win Gatchalian ng panukalang batas na layong magbigay ng laptop sa mga estudyante sa K to 12 na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa proposed Senate Bill No. 474 o “One Learner, One Laptop Act”, masisiguro umanong magkakaroon ang mga kabataan ng dekalidad na digital education at distance learning sa anumang oras at sirkumstansya.
Inalala ng mambabatas ang hirap na dinanas ng mga mag-aaral sa kasagsagan ng pandemyang dala ng COVID-19 dahil sa kakulangan sa mga gamit at mabagal na internet nang magkaroon ng remote learning sa mga paaralan.
“The intent of this priority measure is to ensure that all learners will be able to continue with their education even in the midst of emergency situations or disasters that could disrupt face-to-face classes,” pahayag ni Gatchalian.
Kahit pa aniya, bumalik na ang face-to-face classes, kakailanganin pa rin ng mga estudyante ang laptop sa kanilang mga gawain sa paaralan.
“Even if physical interactions are already in full swing, these devices would still be needed for any school work,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 474, ang Department of Education (DepEd) Secretary, sa pamamagitan ng Bureau of Learning Resources ang gagawa ng mga polisiya at alituntunin sa implementasyon ng pamimigay ng laptop sa mga estudyante.
“Nakita natin nitong panahon ng pandemya ang napakahalagang papel ng internet at mga gadgets para sa pagpapatuloy ng edukasyon. Kaya naman upang matiyak nating tuloy ang edukasyon kahit sa panahon ng krisis, isinusulong natin na mabigyan ng laptop at maayos na internet ang ating mga mag-aaral,” saad ni Gatchalian.
Inaatasan din sa panukalang batas ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na mag-install ng mga libreng public wifi para magamit ng mga mag-aaral.