National News
LTO: 10-year license, maaaring makuha ng mga driver na walang violation
MAAARI nang makapag-renew ang mga motorista ng lisensiyang may bisa nang 10 taon simula Oktubre 2021 ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Ngunit paliwanag ni LTO Chief Edgar Galvante, hindi lahat ang mabibigyan nito.
“Hindi lahat ng drivers license possessor ay makaka-enjoy nitong 10-year validity ng license lalo na kung mayroon siyang demerit point,” wika ni Galvante.
Aniya, ang mga may malinis na record at walang violation simula noong Hunyo 2019 lamang ang puwedeng makabenepisyo ng pagpapalawig ng lisensya hanggang 10 years.
Dagdag pa niya, kung may mangyaring paglabag hanggang 5 taon na lang ang validity ng naturang lisensya.
Ang demerit system ay ipinatupad ng LTO noong 2019 bilang bahagi ng pagpapatupad ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act Number 10930.
Nilagdaan ito ni Pangulong Duterte taong 2017 na nagpalawak ng bisa ng lisensya sa pagmamaneho.
Sa pamamagitan ng naturang sistema ang mga paglabag ay naiuri ayon sa, ‘gravity of the infraction from light’ (1 demerit point); ‘less grave’ (3 demerit points); at grave (5 demerit points).
Sa ilalim din ng IRR, ang grave violations kabilang ang paggamit ng sasakyan sa krimen, pagmamaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng ilegal na droga, pag-operate ng kolorum, at ang paulit-ulit na paglabag sa batas-trapiko.
Umaasa naman si Galvante na ang naturang panukala ay makakatulong upang mabawasan ang mga crashers sa kalsada, pati na rin ang mga aksidente.