National News
Mahigpit na Seguridad Inihanda para sa Pagdating ni Alice Guo sa Senado
MAYNILA — Nakahanda na ang seguridad ng Philippine National Police (PNP) para sa pag-escort sa na-dismissed na Mayor ng Bamban na si Alice Guo sa Senado ngayong Lunes, Setyembre 9.
Ayon kay PCol. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP,inaasahang aalis ang convoy mula Camp Crame patungo sa Pasay City bandang alas-8 ng umaga.
Ayon kay Fajardo, “May mga babaeng pulis po tayo na mag-e-escort po kay Alice Guo dahil inaasahan nga po natin na pagsusuotin po siya ng bullet vest at meron din tayong mga SWAT na sasama dun sa coaster at iba pang security vehicle na sasabay sa convoy po.”
Mahigpit ang pagbabantay dahil sa sinasabing banta sa buhay ni Guo. Dagdag pa ni Fajardo, “Ito ay bilang precaution dahil hindi po natin pwedeng i-take lightly ‘yung sinasabi niyang death threat. Mahirap naman po na may mangyari sa kanya habang tina-transport natin po ‘yan.” Pahayag niya, sumusunod din ito sa kautusan ng korte para sa mahigpit na security protocol. Pinatunayan din ni Fajardo na si Guo ay tinatrato bilang isang normal na detainee.
Katulad ng ibang mga detainee, hinainan kaninaang umaga si Guo ng kape, kanin, itlog, at hotdog bilang almusal. Bukod dito, nasa loob at labas ang mga pulis para magbantay. Aniya, “May mga pulis po tayo nagbabantay sa loob ng compound, maliban po doon sa mga pulis natin sa watch tower.”
Tanging mga abogado at pamilya ang binibigyan ng pahintulot na dumalaw kay Guo, ngunit hanggang ngayon ay wala pang naitalang bumisita.
Sa kabilang dako, ayon kay Atty. Nicole Jamilla, abogado ni Guo, pinaghahandaan nila ang pagdinig ng walang alalahanin. Sinabi niya, “Ang prinovide namin sa kanya is the update ano yung nangyari for the past hearings nung wala siya…” Naniniwala siyang sapat ang seguridad na ibibigay ng PNP.
Bukod dito, excited din umano si Guo sa pagkakataon na makasama si Sheila Guo sa darating na araw ng pagdinig. Sinabi ni Jamilla, “Siyempre excited din siyang makita si Ma’am Sheila kasi malamang nandun siya, magkikita sila.”
Ipinabatid din ni Jamilla na unti-unti nang nag-aadjust si Guo sa kanyang sitwasyon at bumubuti na ang kanyang kalusugan matapos magka-stomach pain noong nakaraang araw.
Photo: Senate PRIB / Office of Sen. Hontiveros) | via Daniel Manalastas