National News
Mass resignation ng mga nurse, pinangangambahan ng Philippine Nurses Association
Nangangamba ang Philippine Nurses Association sa plano ng mga Pinoy healthcare workers na magsagawa ng mass resignation sa gitna ng pagtaas ng mga COVID-19 cases sa bansa.
Nakikisampatya ang grupo sa mga medical frontliners na hindi pa nakatatanggap ng mga pinangakong benepisyo ng gobyerno ayon kay PNA national president Melbert Reyes.
“As much a possible, we don’t encourage them na gawin yan kasi ang maaapektuhan po ang pasyente, yung beneficiary ng care ng ating healthcare workers,” saad ni Reyes sa isang panayam.
“Pero di natin sila masisisi kung gagawin nila ‘yan sapagkat ang pagpapahalaga at malasakit na binibigay ng gobyerno ay hindi talaga nila nararamdaman.”
Ilang mga health workers sa sa mga pribadong ospital ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang mga special risk allowances o hazard pay, ani Reyes.
Nasa 40% ng mga private hospital nurses ang nagbitiw na sa trabahp batay sa datos ng Private Hospitals Association Philippines.
“Sana po, matingnan natin ang sistema ng implementation. Wala naman po siguro magrereklamo kung natatanggap nang maayos,” aniya.
“Naniniwala pa rin po ako na ang ating health workers ay pinalaki na merong nag-aalab ng apoy para sa serbisyo. Nasasabi nila ‘yan dahil marami silang pinagdadaanan.”
Nais din ng mga health workers na makatanggap ng booster COVID-19 jab, dahil marami sa kanila ang naturukan ng Sinovac na nagpapakita umano ng pagbaba ng mga antibodies pagkalipas ng anim na buwan.
Source: ABS-CBN news