National News
Matapos manita ng rider, 2 traffic enforcer, pinagbabaril, patay


Patay ang dalawang traffic enforcer matapos barilin ng sinitang riding in tandem sa Cardona, Rizal. Agad ding tumakas ang mga salarin matapos ang krimen.
Bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Huwebes nang maaktuhang nag counterflow sa tapat ng Cardona municipal hall ang mga suspek kaya umano sila pinara ng mga traffic enforcer.
Subalit sa halip na tumigil ay tuloy-tuloy sa pagmamaneho ang dalawang salarin kaya hinabol sila ng mga traffic enforcer sakay ng motorsiklo na kinilalang sina Jose Marcel Julian, Angelito Tansingco at Kevin Jerome Cruz.
Naharang ng mga traffic enforcer sa isang kanto sa Barangay Real ang riding in tandem, at pinigilan ng makaalis. Dito na bumaba ang sakay ang angkas ng hinarang na motorsiklo at malapitang pinagbabaril ang mga biktima, kung saan napatay sina Julian at Tansingco, habang sugatan naman si Cruz.
Agad na tumakas ang mga salarin matapos ang ginawang pamamaril.
Ayon kay Police Captain Reynaldo Año, hepe ng Cardona Police, wala umano silang nakikitang iba pang motibo sa pamamaslang maliban sa napakasimpleng traffic violation.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Cardona police sa iba pang police station sa Rizal at nagkasa na ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.