National News
MAYOR ISKO MORENO, NAGPABAKUNA NA KONTRA COVID-19
Ayon kay Manila Vice Mayor Honey Lacuna, ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac ang itinurok kay Isko Moreno. Si Lacuna mismo, na isang doctor, ang nagturok kay Moreno.
Nagpabakuna umano si Domagoso matapos payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter-Agency Task Force na mabakunahan ang mga mayor na nasa “hot zone” ng pagkalat ng COVID-19, tulad ng Metro Manila.
“I made a commitment to the people of Manila that I would get the Sinovac vaccine. A lot of Filipinos have doubts about Sinovac, so as a matter of commitment, I got vaccinated with it,” ani Domagoso.
Kasabay ni Domagoso na babakunahan ang aabot sa 1,350 residente ng Maynila na nakatakda ring turukan ngayong Linggo.
Karamihan sa mga nakatakdang bakunahan ay mga nasa A3 group ng priority list o iyong mga may comorbidities o sakit na may edad 18 hanggang 59.
Ika pa ni Domagoso, patuloy pa ang pagpapabakuna sa Maynila hangga’t may suplay. Katunayan, patuloy ng mga pagbabakuna sa gitna ng paggunita ng Semana Santa.
“We have to continue to vaccinate. If the infection is fast, then the vaccination must be faster,” ani ng alkalde.
Samantala, dahil ubos na ang AstraZeneca vaccines na nakalaan para sa kanila, itinigil na muna ang pagbabakuna sa mga nasa A2 group o senior.
Umabot na sa 41,692 indibiduwal ang nakakuha ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa Maynila.
Matatandaang nagpalabas ng pahayag ang isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isinama na ang mga governor, mayor at barangay chair sa A4 group ng priority list, na para sa mga “frontline essential worker.”
Noong nakaraang lingo ay naglabas ng show cause order ang DILG para sa ilang mayor na nagpabakuna kahit na ang mga health workers lamang muna ang dapat unahin.