Connect with us

National News

Mga nakatambak na hospital bed sa PGH, ginawang flower bed bilang pag-aalala sa mga frontliners na biktima ng COVID-19

Published

on

Flower bed in PGH
Tumulong sa paggawa ng art installation ay ang tatlong anak na naulila ni Dr. Neil Orteza. Isa sa kanila ay doktor, at ang dalawa ay pawang mga medical students sa PGH. Larawan mula kay Toym Imao.

Nabagabag si Carlitos Siguion-Reyna, isang director ng pelikula, sa tanawin na bumungad sa kanya nang magawi siya sa isang kalsada sa gilid ng Philippine General Hospital (PGH).

Pumunta siya noon sa PGH upang magpa-swab test at nang palabas na siya ng ospital ay namataan niyang nakatambak ang mga hindi na ginagamit na higaan ng mga pasyente.  Hindi na umano ito gagamitin sa ospital dahil mag-a-upgrade na sila.  Bagkus ay aayusin ang mga ito at ibibigay sa ibang ospital.

Hospital bed in PGH

Ibinahagi ni Carlitos sa kanyang asawang si Bibeth ang kwento at larawan ng kanyang nasaksihan.  Ibinahagi rin naman ni Bibeth Orteza ang nasabing larawan sa multi-media artist at propesor sa University of the Philipines na si Toym Imao, na nakatakda namang pumunta sa National Institute of Health (NIH) upang makipagpulong tungkol sa isang art project.

Makalipas ang dalawang araw, nagtungo si  Imao sa PGH at pagkatapos ng kanyang meeting ay pumunta siya sa kinaroroonan ng mga hospital bed.

“I myself was overcome with the power that these beds emanated, the stories they can tell,” ani Imao.

Habang pinagmamasdan ang mga higaan na magkakapatong sa gitna ng mga halaman, isang ideya ang pumasok sa isip ni Imao—mga higaan na puno ng bulaklak.

“It seemed that spirit guardians were at work that afternoon,” sabi ni Imao sa kanyang Facebook post.  Sa hapon rin kasing iyon ay pumunta si Zena Bernardo, isang aktibista at “plantita”, sa kanilang bahay upang makipag-pulong sa kanyang kuya.

Agad na tinanong ni Imao si Bernardo kung nais niyang tumulong sa pagtatanim ng mga bulaklak sa mga hospital beds.

Nang imungkahi ni Imao kay PGH Director Dr. Gap Legaspi ang proyektong naisip, agad itog pumayag at nagpahayag ng suporta.

“Soon enough our creative team expanded from what was planned to be a quiet installation to a tribute program now being planned together with the PGH and the University of the Philippines,” pahayag ni Imao sa social media.

Nag-alok din ng tulong sina Director Krix San Gabriel, Katsch Catoy, at Prof. Lisa Ito ng Concerned Artist of the Philippines.  Sila ang naging core team ng proyekto.

Malapit umano sa kanilang mga puso ang nasabing proyekto sapagkat sila mismo ay may mga mahal sa buhay o kakilala na pumanaw dahil sa COVID-19.

Sa katunayan, pumanaw ang kapatid na frontliner ni Bibeth na si Dr. Neil Orteza dahil sa COVID-19.

Si Zena at Imao naman ay tumulong na mag-asikaso sa death certificate, cremation, at paghahatid ng mga abo ng isang doctor pabalik sa mga kaanak nito.

“It was so heartening to see that his three daughters, one a resident and the two other students of medicine at PGH, helped us plant the flowers on the hospital beds on the first day of working on the art installation,” ani Imao.

“There are so many stories to tell, and we are currently collecting them to integrate these narratives into an audio collection, which visitors to the installation will hear in the form of whispers coming from the twelve hospital flower beds representing the 12 months of the pandemic lockdown,” dagdag pa ni Imao.

Isang tribute program ang gaganapin sa  Marso 30 sa PGH Oblation Plaza.  Pinamagatan itong “Aluyan ng Paghilom.”  Magkakaroon ng mga testimonya, pagbabahagi ng karanasan, at pagpapahayag ng pagpapasalamat ang mga kaanak,  katrabaho at mga kaibigan ng mga frontliners na pumanaw dahil sa COVID-19

Isi-stream din ang programa sa mga online platforms upang mas marami ang makapanood.