Connect with us

National News

Mga Pinoy abroad, maaari ng bumoto online

Published

on

MAAARI ng bumoto sa pamamagitan ng tinatawang na ‘online voting’ ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa, simula sa 2025 midterm elections.

Ito ang ibinida ni Comelec Chairman George Garcia sa kanyang mensahe kasabay ng isinagawang Voters Education and Registration Fair sa NVC Gymnassium nitong Martes.

Ayon kay Garcia, kauna-unahang pagkakataon ito sa kasaysayan ng halalan.

“Sa darating din po na halalan, para sa kaalaman ng lahat, lalo na yung may mga kamag-anak sa abroad, first time po sa kasaysayan natin sa election, pabobotohin natin yung mga kababayan natin abroad using the internet. First time po namin gagawin ang internet voting,” pahayag ni Garcia.

“Hindi na kailangang pumunta ng mga kababayan natin sa mga embahada, sa mga konsulada at hindi na natin kakailangang padalhan sila ng envelop na naglalaman ng balota. Pwede na silang makaboboto sa pamamagitan ng kanilang mga cellphone, pwede silang makaboto sa pamamagitan ng kanilang laptop, pwede silang makaboto sa pamamagitan ng kanilang i-pad,” dagdag pa ng Comelec chairman.

Giit pa ng opisyal na gagawin nila ang lahat ng paraan upang makaboto ang mga Pinoy sa ibang bansa.

Ito ay matapos mapansin ng komisyon na mababa lamang ang bilang ng mga OFW na bumoto.

“Gagawin at gagawin po yan ng inyong Commission on Elections sapagkat napapansin po namin na kakaunti ang mga bomobotong kababayan natin sa abroad. Kinakailangang gumawa ang Comelec ng ibang pamamaraan para mas makaboboto ang mga kababayan natin sa abroad.”

Batay sa tala ng Comelec, noong 2022, mayroong 1.697 milyon na botante sa abroad ngunit 40.59 percent o katumbas ng 670,000 lamang ang nakaboto.

Samantala, nilinaw naman ng Comelec na may mga bansang hindi puwede ang internet voting gaya ng bansang Israel, China at Russia kung kaya’t boboto ang mga Pinoy sa nabanggit na mga lugar sa pamamagitan ng touch screen machine.

Kapag naging matagumpay umano ang internet voting sa abroad, sa mga susunod na halalan ay ipapatupad na rin ito sa ating bansa.