National News
Mga senador, pabor sa pagpapalawig ng Enhanced Community Quarantine
Nakiisa na rin ang ilan pang senador sa pagsang-ayon sa planong palawigin ang Enhanced Community Qurantine ng ilan pang linggo.
Ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go, pabor siyang palawigin ang Enhanced Community Quarantine ng ilan pang linggo hanggang magsimula nang bumaba ang bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Giit ni Go, ngayong tumaas na ang kapasidad ng pamahalaan na magsagawa ng COVID-19 test, dapat lang i-extend pa ang ECQ upang epektibong mai-isolate ang mga positibong kaso mula sa komunidad.
Hinikayat rin ng senador ang ehekutibo na maging maagap sa pagbibigay ng ayuda sa mga pamilyang Pilipinong apektado ng krisis na ito.
Samantala, ganito rin halos ang pahayag ni Senador Francis Pangilinan.
Aniya pabor siyang i-extend ng 15 to 20 days pa ang ECQ kasabay ang panawagan sa pamahalaan na tiyaking mayroong sapat na isolation center para sa mga kababayan nating apektado ng naturang sakit.
Sinabi ni Pangilinan na importante ang mass testing para malaman ang tunay na kalagayan at kung magtatagumpay ba tayo sa pagsugpo natin sa sakit. / radyopilipinas.ph