National News
MGA TREN, LIGTAS SAKYAN KAHIT COVID-19 POSITIVE ANG ILANG EMPLEYADO AYON SA MRT
Pinawi ng pamunuan ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang agam-agam ng mga pasahero hinggil sa kaligtasan ng kanilang mga tren. Ito ay kahit pa nagpositibo sa COVID-19 ang ilan sa mga tauhan ng kanilang depot sa Quezon City.
Ayon sa MRT, mahigpit na ipinatutupad ang disinfection process sa mga pasilidad kaya wala umanong dapat ipangamba ang mga pasahero.
Ayon pa kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan, sa mga depot naka-assign ang mga empleyadong nagpositibo at walang nagpositibong empleyado sa mga istasyon.
Noong nakaraang linggo, nag-positibo sa COVID-19 ang higit 40 empleyado ng MRT depot sa ilalim ng isang mall sa Quezon City.
Anim sa mga nagpositibo ay mula sa maintenance service provider at 36 naman ay mga office personnel. Isa sa kanila ang nasawi.
Tinamaan din at gumaling na sa COVID-19 sina MRT director for operations Michael Capati at general manager na si Rodolfo Garcia.
Naka-quarantine na ang mga empleyado ng depot na nagpositibo, ayon kay Batan.
Dagdag pa niya, mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocols sa tren tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng oras, pagbabawal sa pagsasalita at pakikipag-usap, at pagbabawal sa mga may sintomas ng COVID-19 na sumakay sa tren.
Samantala, patuloy pa rin ang operasyon ng MRT mula alas-4:37 ng madaling araw hanggang alas-9:30 ng gabi sa North Avenue habang alas-5:17 ng madaling araw hanggang alas-10:10 ng gabi naman sa Taft Avenue.