National News
NAGPAKILALANG ‘LEGAL WIFE” NI RAFFY TULFO, HINARANG ANG KANYANG KANDIDATURA SA PAGKASENADOR
Ipinakakansela ng nagpakilalang ‘legal wife’ ng brodkaster na si Raffy Tulfo sa Commission on Elections (COMELEC) ang kanyang Certificate of Candidacy sa pagkasenador.
Naghain ng petisyon ang babaeng nagngangalang Julieta Licup Pearson sa pamamagitan ng kanyang abogado nitong Oktubre 25 ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
Giit ni Pearson, mayroong “misrepresentation” sa isinumiteng COC ni Tulfo dahil hindi siya ang inilagay nito bilang asawa.
Mali raw ang impormasyong inilagay ni Raffy na kasal siya kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo, “This misrepresentation in his certificate of candidacy was done by him fully aware that he is not legally married to his declared wife in the COC, Jocelyn Pua Tulfo.”
Ikinasal raw sila ng brodkaster sa Capaz, Tarlac noong Oktubre 25, 1982 at hindi na-dissolve at wala ring na-file na petisyon para i-nullify ang kanilang pag-iisang dibdib.
Isiniwalat pa ni Pearson na under review sa Department of Justice ang isinampa niyang bigamy laban sa asawa.
Matatandaan na inamin ni Tulfo sa kanyang TV show noong 2019 na nagkaroon siya ng anak kay Pearson.
Tinawag din nitong “plain and simple extortion” ang kasong bigamy na isinampa laban sa kanya dahil humingi umano ng P25 milyon si Pearson para magkaroon ito ng kumportableng pamumuhay.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ni Tulfo kaugnay nito.