National News
“NAKAKAWALA NG PAG-ASA, WALA NANG GANA”: ILANG HEALTH WORKERS, NANLULUMO NA SA PAGLOBO NG COVID-19 CASES SA BANSA
Nanlulumo ang ilang healthcare workers sa Pilipinas dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Anila, imbis na bumuti ang sitwasyon ay mas malala pa umano ang kaso sa ngayon.
“Nakakawala ng pag-asa, wala nang gana. Marami nang nag-abroad, hindi naman natin sila masisisi kasi even throughout the year marami kaming calls, pero parang wala namang natugunan ‘yung government and ito na naman, boom, mas mataas pa ‘yung bilang kaysa sa mga nauna,” wika ni Jaymee De Guzman ng Filipino Nurses United.
Dagdag pa ng nurse, punung-puno na ang ilang ospital, maging mga empleyado ay nag-positibo na rin sa sakit.
“We feel it in the hospital kasi talagang punung-puno na kami, pati mga empleyado nag-positive.”
Kung saan pa daw, dumating ang bakuna ay doon pa dumami ang positive patients.
Magugunitang noong Agosto 2020 sa kasagsagan ng pagdami ng COVID-19 cases, nanawagan ang mga health workers ng timeout at mas mahigpit na community quarantine.
Ngunit hindi ngayon ang panahon para humingi ng timeout, ayon kay de Guzman.
Giit niya, mas kailangan ngayon ng bayan ang mga health workers dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health nitong Linggo, sumipa na sa 7,757 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Samantala nitong Sabado, nakapagtala naman ang DOH ng 7,999 kaso ng naturang sakit.
Sources: ABS-CBN News, Phillipine Star