National News
Nasawi sa pananalasa sa Bagyong Rolly umakyat na sa 16, 3 nawawala
UMAKYAT na sa 16 katao ang naitalang nasawi habang 3 naman ang nawawala sa Bicol dulot ng pagbayo ng Bagyong Rolly batay sa Office of Civil Defense.
6 ang naiulat na nasawi sa Catanduanes kung saan unang nag-landfall nitong Linggo ang bagyo habang 10 naman ang naitala sa Albay.
Ang bagyong Rolly ang tinaguriang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2020.
Ramdam ang bagsik nito sa lalawigan ng Albay. Tila nilamon ng putik at rumaragasang tubig baha ang ilang bahay sa nasabing probinsiya.
Ayon sa mga residente, tila sumisipol at humambalos ang malakas na hangin sa kanilang lugar. Inanod pa ang malalaking bato, buhangin at lahar.
Libo-libong mga residente naman ang inilikas at idinala sa mga evacuation center.
Napinsala din ng masungit na panahon ang mga poste ng kuryente sa ilang lalawigan.