Connect with us

National News

Nationwide transportation strike sa Lunes, tuloy – transpo groups

Published

on

WALANG BYAHE. Kasado na umano ang nationwide transport strike na naka-iskedyul sa Lunes, Septyembre 30, 2019. Ito ay sa kabila ng panawagan ng LTFRB na i-kansela ang nasabing strike.

Tuloy pa rin ang Nationwide Transportation strike na naka-iskedyul sa Lunes, Septyembre 30, ayon sa mga transport groups.  Ito ay sa kabila ng panawagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-kansela ang strike.

Sinabi ni Dindo Rosales ng Alyansa Kontra PUV (public utility vehicle) Phaseout sa isang press conference na all set na ang naturang strike. “Tuloy na po ito, wala na pong atrasan, bumagyo, lumindol o ano pa man. Ang nationwide transport strike sa Lunes ay kasadong kasado na po, hanggang sa probinsya ang lahat po ay nakalarga na at handa na.”

Nanawagan ang LTFRB sa mga transport groups na i-kansela ang transport holiday.  Kasabay nito ay ang pagbibigay ng babala na maaaring ma-suspinde o i-kansela at bawiin ang mga prankisa ng mga makikilahok sa strike.

Nilinaw naman ni Efren De Luna, national president ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), na hindi sila tutol sa modernization ng mga jeepney at UV express, bagkus ang kanilang kinokontra ay ang immediate phaseout ng mga ito sa Hulyo 2020.

Nanawagan naman si Jun Magno ng Stop and Go Coalition kay Pangulong Rodrigo Duterte na pakinggan ang kanilang mga hinaing at ibasura na ang planong pagpi- phaseout ng mga lumang PUV sa ilalalim ng modernization program ng Department of Transportation. Humingi rin sya ng pasensya sa mga maaapektuhan ng nasabing strike.

“Ito po ay hindi para pahirapan ang mamamayan. Kami po ay humihingi ng panmanhin sa ating mamamayan, kailangan lang po naming gawin ito para makarating sa ating Pangulo,” ani Magno.

Nagpahayag naman si Democratic Independent Workers’ Association (DIWA) Rep. Michael Aglipay na nag-file umano siya ng House Bill No. 4823 kung saan ang modernization ng mga PUV ay magiging unti-unti at ito ay aabutin ng tatlong taon.  Dagdag pa nya ang kanyang proposed bill ay nagmumungkahi ng isang “fair and reasonable” na modernization plan, kung saan ang mga drayber ay maaaring mabigyan ng P500,000 financial aid at mas magaang termino ng pautang.

Continue Reading