Connect with us

National News

NEW PUBLIC SERVICE ACT, MAGDADALA NG P299-BILLION FOREIGN INVESTMENTS SA PILIPINAS

Published

on

Dalawang batas ang nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ngayong buwan ng Marso na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Tinatayang mapapataas nito ang Foreign Direct Investment (FDI) sa bansa na aabot sa P299 billion sa susunod na limang taon.
Inaasahang mapapaakyat din nito ang GDP growth rate sa 0.47 percentage points above the baseline.
Ang Foreign Investment Act ay pinirmahan nitong Marso 2 habang ang New Public Service Act naman ay pinirmahan nitong Marso 21.
Ang dalawang nabanggit na batas ay inakda ni AAMBIS-Owa Party list Representative Sharon Garin na namumuno sa House Committee on Economic Affairs.
Ayon kay Garin, karangalan niya bilang sponsor na makumpleto ang batas na itinuturing na game-changers ng ekonomiya sa bansa at makakatulong sa mga naluging negosyo.
Pahayag pa ng mambabatas, malapit sa kanyang puso ang mga batas na ito dahil nakita niya kung paano naapektuhan ng pandemya ang mga negosyo sa bansa.
Ang dalawang nasabing batas batay kay Garin ay importante para sa post-pandemic recovery at kaparte ng pagsisikap ng gobyerno na makakuha ng kapital o investments na makakatulong sa industriya.
Layon nito na makaengganyo ng mga dagdag na foreign investments na magbibigay ng dagdag na trabaho, makakapagpataas ng value ng exports at makakatulong sa kabuuang ekonomiya.
Kung may magandang investment climate ayon sa kanya, makapagtatayo rin ng mga negosyo na makapagbibigay ng trabaho at makakapag-introduce sa mga pagbabago sa mga industriya na kailangan makipaglaban sa international market.
Ang Foreign Investments Act of 1991 ang batas na nagreregulate ng foreign investments sa bansa.
Kahit na pinahihintulutan nito ang foreign investors na mag-invest ng hanggang sa 100% sa domestic market enterprises, may mga limitasyon naman para sa mga investors.
Ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay ikatlong most restrictive economy sa buong mundo base sa 2020 Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) report.
Kaugnay nito, ang Public Service Act amendments ang nag amyenda ng 85 taong legal definition ng ‘public services’ at ang mga nasa ilalim ng kategoryang ‘public utilities’ industry.
Ito ang batas na naglilimita sa ngayon sa ‘public utility’ sa distribution at transmission ng electricity, petroleum and petroleum products transmission, water distribution at wastewater systems, seaports, at public utility vehicles.
Sa parehong batas, inalis na rin ang 40% cap sa foreign equity ownership sa public services na hindi ma-classify bilang ‘public utility.’