Connect with us

National News

‘No expiration’ para sa ‘di nagamit na internet data, isinusulong ni Sen. Lapid

Published

on

ISINUSULONG ni Sen. Manuel “Lito” Lapid ang panukalang batas na naglalayon na walang expiration sa mga hindi nagamit na internet data hanggang sa katapusan ng bawat taon.

Inihain ng senador ang Senate Bill 1880 o ang “Roll-Over Internet Act” na humihirit na payagan ang mga subscribers na makuha ang buong halaga ng perang ginastos nila para sa internet data.

“Through this scheme, unused data allocation from internet data packages or promos will not expire but will instead carry over to succeeding months until the end of the year,” paliwanag ni Lapid para sa kanyang proposed law.

Sa ilalim nito, ang mga internet data na hindi magagamit pagkatapos ng taon ay pwedeng magamit bilang “rebates” na maaaring namang ipambili ng isa pang internet service.

“If at the end of the year, there are still remaining unused data allocations, the same will be converted into rebates which, in turn, may be used for future subscriptions,” saad ng senador.

Samantala, ang mga nasa unlimited data packages naman ay hindi sakop ng naturang batas.

“Sa panahon ngayon hindi na lamang luho ang pagkakaroon ng internet sa bawat tahanan. Isa na itong pangangailangan ng marami kung hindi man ng lahat sa atin,” sambit pa ni Lapid.

Aniya, mula sa simpleng komunikasyon hanggang sa pag-aaral at operasyon ng negosyo, nakasalalay sa internet ang karamihan sa mga Pilipino.

Kung maisasabatas ito, pagmumultahin ng P300,000 hanggang P1,000,000 ang mga hindi susunod o lalabag na Internet service providers.

“Aminado tayong malaki pa rin ang pagkukulang pagdating sa internet connectivity sa ating bansa” ani Lapid.

Pero ayon sa senador, nais niya na maging sulit ang binabayad ng mga Pinoy para sa mga internet package at promo sa pamamagitan ng roll-over data scheme.