National News
OFW Pass: Makabagong hakbang para sa mas mahusay na Serbisyo para sa mga OFW
Pormal ng inilunsad ng pamahalaan ng Pilipinas ang aplikasyon para sa mga overseas Filipino workers (OFW), na tinatawag na “DMW Mobile App – OFW Pass,” sa isang seremonya sa Malacanang Palace kahapon, Biyernes, Hulyo 21, 2023.
Naglalayon ang aplikasyon na mapabilis at mapadali ang proseso ng dokumentasyon at sertipikasyon para sa mga OFW. Pinalitan ng OFW Pass ang tradisyunal na Overseas Employment Certificates (OEC), na dati rati’y nangangailangan ng pisikal na pagkuha at pag-aantay sa mahabang pila sa mga tanggapan ng gobyerno.
Nagsabi ang Kalihim ng Migrant Workers na si Susan Ople na ang aplikasyong ito ay “magpapagaan sa mga pamamaraan,” ng mga OFW at makababawas ito sa pagpila sa mga tanggapan ng gobyerno. Pinuri rin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang aplikasyon at sinabi na ito’y “makabagong paraan kung paano makakakuha ang mga OFW ng mga serbisyo” tulad ng pagpapatunay ng kanilang mga kontrata at pag-apply para sa OFW Pass.
Sa kasalukuyan, ang DMW Mobile App ay maaaring ma-download sa Apple App Store at sa Google Play store. Kailangan magparehistro ang mga overseas worker gamit ang kanilang mga numero ng telepono at dapat patunayan ang kanilang pagkakakilanlan gamit ang kanilang mga pasaporte. Kung matagumpay ang kanilang pagpaparehistro, makakatanggap sila ng isang panghabambuhay na ERN o e-Registration Number.
Ang mobile app at ang OFW Pass ay libre.
Ang paglunsad ng aplikasyon na OFW Pass ay isang kapana-panabik na pag-unlad sa teknolohikal na pagsulong ng bansa at nagpapakita ng isang mahalagang hakbang patungo sa pagbibigay ng mas mahusay na mga serbisyo para sa milyun-milyong mga OFW sa buong mundo.