Connect with us

National News

“Online Kopyahan,” isang FB page na ginagamit ng mga estudyante para makapangopya ng sagot sa modules

Published

on

Online Kopyahan

Isang Facebook page na umabot sa halos 700,000 na mga miyembro, isa palang haven ng mga estudyante para magkopyahan.

“Online Kopyahan” ang pangalan ng FB page at makikita na naglalaman ito ng sangkatutak na sinagutang mga module at test paper sa iba’t-ibang mga subject.

Ginawa ang page noong Marso 2021, at makikita ito sa lahat ng may Facebook.

Nalungkot at dismayado sa kanilang nakita at nalaman, na hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga bata na makapag-isip at makapag-aral ng tama, ayon sa mga magulang batay sa ulat ng GMA News.

Dagdag pa nila na hindi ito patas sa mga mag-aaral na tunay na nag su-sumikap para tapusin ang mga gawain.

Ayon naman kay Romar Amor Donato, isang guro sa Rizal High School sa Pasig,”heartbroken” siya noong nakita niya ang FB page, lalo na dahil kabilang ang ilan niyang estudyante sa group.

“I even tried to look for similar pages last night, and I found a lot of it. Imagine, kahit Grade 2 and Kinder modules kinokopya sa page?” sinabi niya sa ulat ng Reportr.

“Mind you, even posters, essays, graphs, and frameworks for research were shared on that page,” dagdag niya.

Karamihan sa mga post ay sagot para sa mga DepEd modules na ginagamit sa mga pampublikong paaralan.

“Matalino ang mga bata, they even label posts sa page by region and by school.”

May mga ibang miyembro ng FB page ang nagbabahagi ng kanilang learning notes, ang ilan naman ay nagsasabing “legitimate and all correct” ang kanilang answer keys.

Ipinagtanggol pa ng isang miyembro ang kanyang ginagawa, habang binabahagi niya ang kanyang mga sagot sa Grade 10 English Quarter 1 Week 1-4 Module, at sinabing, “I know everyone is having a hard time, so instead of competing, if we can, we must help each other hope it helps!”

Samantala may isang miyembro na nag-offer ng Google Drive na naglalaman ng sagot sa lahat ng learning modules mula Grade 1 hanggang Grade 10, basta magbayad ka lang. Pinost ito noong Hulyo 2 at nakatanggap ng higit sa isang libong mga queries.

Dahil dito, hinihimok ng mga guro ang mga otoridad na imbestigahan ang mga Facebook Groups.

Ayon sa ulat ng GMA News, sa ngayon, hindi na nakikita sa Facebook ang naturang “Online Kopyahan” group.

(Source: Reportr.world, GMA )

Continue Reading