National News
P200 MONTHLY ‘AYUDA’ PARA SA MGA MAHIHIRAP NA PAMILYA, APRUBADO NI PRRD
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng P200 ayuda kada buwan para sa mahihirap na pamilya nitong Miyerkules, Marso 16 ayon sa Malacañang.
Layon nitong maibsan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sa Palace briefing, sinabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na inaprubahan ni Duterte ang dalawang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF).
“Inaprubahan ng Pangulo ang dalawang rekomendasyon ng DOF kaugnay sa pagtaas ng fuel price,” saad ni Andanar.
“Una, ang pag-retain ng fuel excise taxes na ini-impose ng TRAIN [Tax Reform for Acceleration and Inclusion] Law dahil ang pagsuspende nito ay magre-reduce ng government revenue ng P105.9 billion na magpopondo sa mga programa ng pamahalaan. At pangalawa, ang pagbibigay ng targeted subsidies ng P200 bawat household to the bottom 50% of Filipino households,” paliwanag pa nito.
Magsisimula ang pamamahagi ng ayuda kapag mailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang guidelines sa nasabing rekomendasyon. (With reports from GMA News)