National News
P51-B wage subsidy para sa Middle Class workers aprubado na ni P-Duterte
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng ayuda para sa mga middle class workers na naapektuhan din ng covid crisis.
Kinumpirma ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa virtual press briefing kahapon.
“President Rodrigo Duterte has approved the proposal of the Department of Finance for a P51 billion “Small Businesses Wage Subsidy Program” that aims to provide 2 tranches of cash aid to employees of small businesses,” ani Nograles.
Inihayag ng kalihim na pinagtibay kahapon ni Duterte ang Small Business Relief Program para matulungan ang 1.6 milyong maliliit na negosyo at ang kanilang 3.4 milyong empleyado na naapektuhan ng enhanced community quarantine.
Ayon pa sa kanya, sa ilalim ng programa, ang mga kuwalipikadong manggagawa ay pagkakalooban ng P5,000 hanggang P8,000 na kukuwentahin base sa minimum daily wage rates sa kanilang rehiyon.
Aniya, ibibigay ang subsidy nang dalawang tranches simula sa May 1-15 at May 16-30.
Dagdag pa ng kalihim, ang tulong ay ipapalabas sa pamamagitan ng SSS Unified Multi-Purpose ID cards, bank accounts, electronic wallets, at remittance centers.
Paliwanag pa ni Nograles, ang mga eligible worker ay dapat employed hanggang Marso 1, 2020 at hindi nakatanggap ng sahod para sa buwang iyon.
Samantala, hindi naman kuwalipikado ang mga natanggal sa trabaho, nag-resign, naka-leave o nakatanggap ng unemployment benefits sa SSS.
Via Philippine Star