National News
Pag-abot Program ng DSWD mas pinalawak ni PBBM para sa mga street dwellers
Naglabas ng Executive Order No. 52 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mas mapalawak ang Pag-abot Program ng DSWD at maabot ang mga street dwellers at iba pang mahihirap na kababayan.
“The Pag-abot Program is hereby institutionalized as a platform for an enhanced and unified delivery of services to vulnerable and disadvantaged children, individuals, and families in street situations, through provision of social safety nets and protection against risks brought about by poverty,” saad ni President Marcos sa EO.
Saklaw ng Pag-abot Program ang transportation/relocation, financial assistance, transitory shelter assistance, livelihood assistance, at employment assistance.
Bukod dito, kasama rin ang psychosocial support, capability building ng mga komunidad at local government units maging community assistance.
Sa ilalim ng EO, bubuo ng Inter-Agency Committee para masiguro na nakahanay ang mga layunin at mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Pamumunuan ito ng DSWD Secretary katuwang ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang vice-chair.
Ang programang ito ay isa sa mga pilot program ng DSWD na nagbibigay tulong sa mga vulnerable at disadvantaged na indibidwal, mga bata at mga pamilyang nasa lansangan.
Titiyakin nito na epektibong maibibigay ang serbisyo para masugpo ang kahirapan sa bansa.
Alinsunod sa AmBisyon Natin 2040 na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028, sinisikap ng administrasyon na ipatupad ang mga polisiya at programang nakasentro sa pantay na pamamahagi ng mga oportunidad sa pag-unlad ng rehiyon.
Ginarantiya ng Pilipinas na maisakatuparan ang United Nations Sustainable Development Goal No. 1 para mapuksa ang kahirapan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng social protection system at pagbibigay ng pantay na access sa economic resources sa mga mahihirap.