National News
PAGASA gagamit ng AI Technology para sa Weather Forecasting
Inanunsyo ng Kalihim ng Agham at Teknolohiya na si Renato Solidum Jr. ang plano ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magamit ang teknolohiyang Artificial Intelligence (AI) upang mapahusay ang kakayahan nito sa weather forecasting.
Naglalayong palawigin nito ang kasalukuyang five-day forecast patungo sa mas mahaba, 14-day forecast. Kasabay nito, ang mga weather forecast ay ia-update kada 15 minuto mula sa kasalukuyang tatlong oras na pagitan.
Ang paggamit ng AI sa mga operasyon ng PAGASA ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap na pagbutihin ang paghahanda at pagtugon sa sakuna sa Pilipinas, isang bansa na madalas tamaan ng matinding bagyo.
Ayon kay Renato Solidum, “AI technology will enable more accurate and timely predictions, which are crucial for effective disaster management.”
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng impact-based forecasting na hindi lang kayang i-predict ang lagay ng panahon kundi pati ang magiging epekto nito, bagay na malaking tulong informed decision-making.
Gayunpaman, patuloy pa ring nahaharap ang PAGASA sa mga hamon sa kanilang kasalukuyang imprastraktura. Mayroon silang 19 Doppler radars ngunit 11 lamang ang gumagana, habang ang ilan ay nangangailangan ng palitan.
Sa kabuuan, ang pagtataguyod ng AI technology sa weather forecasting ng PAGASA ay nagtatakda ng bagong pamantayan tungo sa isang mas ligtas at handang komunidad laban sa epekto ng pagbabago ng panahon.