National News
Pagbabalik ng death penalty, muling isusulong ni Sen. Bong Go


Nakahanda umano si Senator Christopher “Bong” Go na muling ihain ang panukalang batas na nagsusulong na muling buhayin ang death penalty bilang parusa sa ilang heinous crimes o karumal-dumal na krimen sa susunod na kongreso.
Matatandaang noong Hulyo 2019 ay isinulong ni Go ang Senate Bill No. 207 na naglalayong muling buhayin ang capital punishment para sa illegal drugs at kasong plunder ngunit bigo itong maipasa sa 18th Congress.
Binigyang-diin ni Go sa naturang panukala na ang reinstatement ng death penalty ay alinsunod sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korapsiyon dahil makatutulong ito upang magdalawang-isip ang mga kriminal na gumawa ng krimen.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Go, iminungkahi niya na lapatan ng parusang kamatayan ang mga drug-related crimes at plunder.
Nanindigan rin ang senador na ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa korapsiyon, ilegal na droga at krimen ay nakakapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa at makakahikayat ng paglago ng mga negosyo at komunidad.