National News
Pagbabasa ng Bibliya sa high school at elementary, gagawing mandatory
Kung nababasa lamang umano ang Bibliya at isinasagawa ang mga turo nito, magiging maayos ang bansa at ang gobyerno ay magiging matapat, matuwid at maayos ang pamamahala. Ito ang paniniwala ni House Minority leader at Manila Rep. Benny Abante Jr.
Dahil dito, isinusulong ng mambabatas na gawing mandatoryo ang pagbabasa ng Bibliya sa elementarya at sekondarya ng lahat ng pampublikong paaralan.
Isinusulong ni Rep. Abante ang Panukalang Batas 2069 na naglalayong maging polisiya at gabay sa mga tao ang pagbabasa ng Bibliya. Ito rin daw ang gagabay patungo sa matuwid na daan sa mga susunod na lider ng bansa.
Ayon sa mambabatas at senior pastor din ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia, tila kulang pa sa pagtanggap at sa pagpapahalaga ang mga Pilipino sa kapangyarihan ng Bibliya, sa kabila ng pagiging tanging Kristiyanong bansa ng Pilipinas sa Asya.
Nakapaloob sa panukalang batas na isasama sa mga asignaturang English at Filipino sa mga pampublikong paaralan ng elementarya at sekondarya sa bansa, pati na rin sa mga diskusyon at eksaminasyon, ang Bibliya.