Connect with us

National News

Pagsuko ni Pastor Quiboloy kanyang “ultimate sacrifice” ayon sa kanyang abogado

Published

on

quiboloy

MANILA – Nagpasya si Pastor Apollo Quiboloy na sumuko sa mga otoridad nitong Linggo upang pigilan ang paglaganap ng kaguluhan sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City, ayon sa chief legal counsel ng simbahan. Kumpirmado ng Philippine National Police (PNP) na sumuko si Pastor Apollo Quiboloy kasama ang mga co-accused na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemañes sa mga otoridad.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, sina Quiboloy ay kinustodiya bandang 5:30 ng hapon at agad dinala mula Davao patungong Villamor Air Base sa Pasay City. “Lumapag po ang C130 lulan ang mga nasabing indibidwal at nakarating po sila dito sa Villamor around 8:30 ng gabi at nakarating po tayo dito sa custodial facility ng mga around 9:10 ng gabi po,” ani Fajardo. Nagkaroon ng negosasyon para sa mapayapang pagsuko bandang 1:30 ng hapon, kasunod ng 24-oras na ultimatum na ibinigay sa kanila.

Sa isang pahayag na inilathala sa kanyang Facebook page, inilarawan ni Atty. Israelito Torreon ang ginawa ni Quiboloy bilang kanyang “ultimate sacrifice.” “He could not bear to witness a second longer the sufferings that his flock was experiencing for many days,” sabi ni Torreon. “Pastor Apollo C. Quiboloy was actually waiting for positive results vis-a-vis the legal remedies that his lawyers opted to avail, hence, he was out of reach for a number of days,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Torreon ang kalunos-lunos na sitwasyon sa loob ng KOJC compound matapos ipatupad ng pulisya ang search warrant, na diumano’y nagbago sa simbahan bilang isang “police garrison” at itinuturing na “desecrated.” “Even if he has the right to await the result of the legal remedies being resorted to by his lawyers, he decided to make the ultimate sacrifice by surrendering himself to the PNP and AFP,” sabi niya.

Ang huling pampublikong paglabas at pahayag ni Quiboloy ay noong akusahan niya ang administrasyong Marcos at ang Estados Unidos ng isang “conspiracy” para “eliminate” siya.

Bukod sa pagiging wanted sa US para sa sex trafficking, fraud, at iba pang krimen, may mga arrest warrants din siya mula sa Senado para sa hindi pagsipot sa imbestigasyon ukol sa umano’y abuso sa KOJC at mula sa dalawang korte para sa child and sexual abuse at human trafficking charges.

Siya ngayon ay nasa kustodiya ng Philippine National Police at nakalagay sa kanilang custodial facility.