National News
Pagsuot ng costume ng mga sekyu, bawal – PNP
Pagmumultahin ang mga security guards at agency na magsusuot ng costumes habang nasa duty dahil maaaring gayahin ito ng mga masasamang-loob sa paggawa ng krimen.
Bawal ang pagsusuot ng mga themed costumes ng mga security guards habang nasa duty, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP–Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) Assistant Chief, Col. Sydney Villaflor noong nakaraan Biyernes na may mga di magagandang maidudulot ang pagsusuot ng costume ng mga security officers at isa na riyan ang posibilidad na gayahin ng mga masasamang-loob ang estilo ng kanilang pananamit at gamitin ito sa paggawa ng krimen.
“’Yung pagsusuot ng iba’t ibang uniform ay posibleng samantalahin ng mga sindikato, ng iba’t ibang grupo na posibleng gumawa ng mga krimen sa loob ng mall at iba pang business establishments,” ani Villaflor.
Ayon pa kay Villaflor, kung nakasuot ng costume ang mga security guards, maaari rin silang mahirapaan na gawin ang kanilang mga trabaho sa oras ng mga sakuna sapagkat hindi sila madaling makikilala bilang security personnel.
Multang PhP 10,000 para sa unang paglabag at Php 20,000 para sa ikalawang paglabagag ang ipapataw sa mga security guards na mahuhuling magsusuot ng themed costume.
Binalaan din ang mga manager ng mall at mga may-ari ng security agency laban sa pagpapasuot ng costume sa mga security guards. Ang agency na lalabag ay pagmumultahin PhP 20,000 at isasailalim sa administrative investigation.
Maari ring makansela ang permit to operate ng ahensiya kung lumabag sila nang paulit-ulit.
Ang PNP-SOSIA ang nangangasiwa sa mga operasyon ng mga security agencies, kabilang na ang pagsusuri at pagsubaybay sa mga security guards na nakadestino sa iba’t ibang mga establisimyento sa buong bansa.
Sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act 5487 o ng Private Security Agency Law, the “Chief of the Philippine Constabulary (now the PNP), through his duly authorized representative, shall prescribe the uniform or ornaments, equipment and paraphernalia to be worn by the security guards and watchmen throughout the Philippines.”
Matatandaan na noong nakaraaaang taon, pinagmulta ng PNP-SOSIA ang ilang security guards sa isang mall sa Makati City nang mahuli sila na nakasuot ng costume.