National News
PAMIMIGAY NG FUEL SUBSIDY SA MGA TSUPER NG JEEP, NAGSIMULA NA
Nagsimula nang mamahagi ng fuel subsidy ang gobyerno sa mahigit 136,000 franchise holders ng Public Utility Jeepneys (PUJs) sa buong bansa.
Sa ilalim ng Pantawid Pasada Fuel Program (PPP) naglaan ang pamahalaan ng 1 bilyong pondo para sa mga tsuper. Naglunsad ng “One-Time” Pantawid Fuel Card ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naglalan ng ₱7,200 na fuel subsidy.
“Bagamat nakita natin sa nakaraang ilang linggo, bahagyang bumaba ang presyo ng krudo at gasolina pero mataas pa rin ang presyo kumpara sa umpisa ng taong ito, Kailangan tulungan natin ang transport sector, lalung lalo na ang mga tsuper at operator ng public utility jeepneys,”pahayag ni LTFRB chairman Martin Delgra.
“Hindi lang para maibsan ang gastusin sa araw araw na pagmamaneho pero higit pa para masiguro ang pagpapatakbo ng mga pampublikong sasakyan para sa ating mas nakararaming mananakay,” dagdag pa ni Delgra.
Paalala naman ng ahensya, may bisa lamang ang Pantawid Pasada Fuel Card sa mga kalahok na petroleum retail outlet o gasoline stations.
Kabilang dito ang Petron, Shell, SeaOil, Total, Jetti, Rephill, UniOil, Caltex at Gazz.
(With reports from: Radyo Pilipinas)