National News
Panawagan ng DepEd sa mga magulang, ‘wag sagutan ang modules ng mga anak
PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na huwag sagutan ang modules ng mga estudyante kundi gabayan lang ang mga bata.
Sa online forum, bago magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan, inihayag ni Education Undersecretary Tonisito Umali na malaki ang papel ng mga magulang sa bagong set-up ng pag-aaral.
“Hindi po sila ang dapat sasagot ng pagsusulit o takdang aralin o gawaing pang-upuan ng mga bata. Klaro po ‘yan,” wika ni Umali.
Dagdag pa ni Umali, na-orient na ang mga magulang kung paano gabayan ang mga kabataan.
May inilatag na sistema na rin ang mga paaralan para malaman kung naiintindihan ng mga estudyante ang kanilang pinag-aaralan.
Ngayong araw, Oktubre 5, magbubukas ang mga klase.
Dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, nagpatupad ng distance learning na kung saan mag-aaral ang mga estudyante sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng modules, online classes, TV at Radyo.