Connect with us

National News

Pangongolekta sa kontribusyon ng mga PhilHealth members, Fake news -DOF Secretary Recto

Published

on

Pangongolekta ng gobyerno sa kontribusyon ng mga PhilHealth members upang ilagak sa Maharlika Investment Fund, itinanggi ni DOF Secretary Recto Fake news lamang ang mga kumakalat na balita na kinokolekta ng pamahalaan ang mga kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth upang ilagak sa Maharlika Investment Fund (MIF), ayon sa Department of Finance (DOF).

Paglilinaw ni Finance Secretary Ralph Recto, tanging ang mga sobra, natutulog, at hindi nagagamit na pera ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), kabilang ang PhilHealth, ang kinokolekta ng pamahalaan. Wala rin umanong kinalaman ang MIF sa pinaggagamitan ng nakolektang pondo ng GOCCs.

Dagdag pa niya, ni isang kusing ay wala umanong ikakaltas mula sa mga benepisyong matatanggap ng mga miyembro ng PhilHealth. Ani Recto, sapat ang pondo ng PhilHealth para sa mga bayarin para sa multi-year claims. Sa katunayan, may natitirang Php 500 billion benefit chest fund ang PhilHealth at patuloy pa rin itong tatanggap ng subsidiya mula sa pamahalaan. Ayon pa kay Recto, hindi rin ilegal ang pagkolekta ng gobyerno sa mga sobra, natutulog, at hindi nagagamit na pera ng mga GOCCs sapagkat naaayon ito sa Republic Act No. 11975, o ang General Appropriations Act 2024.

Tumatalima lamang umano ang DOF sa batas na utos ng Kongreso. Ipinatupad rin ito alinsunod sa mga nakalap ng DOF na favorable legal opinion mula sa Governance Commission of GOCCs, Office of the Government Corporate Counsel, at Commission on Audit. Ang naturang hakbang ay dumaan umano sa masusing pagbusisi ng DOF upang malaman kung makakatulong nga ba ito sa paglago ng ekonomiya.

Ayon sa Kagawaran, hindi lamang ito legal kundi ito’y makakatulong sa paglago ng ekonomiya at pagbibigay ng libu-libong trabaho. Giit pa ni Recto, maaari lamang gamitin ang mga sobra, natutulog, and hindi nagagamit na pera mula sa mga GOCCs para sa mga Unprogrammed Appropriations na nakapaloob sa batas at iniakda ng Kongreso — walang labis, walang kulang.

Continue Reading