National News
Paris – Manila direct flights, plano nang simulan
Pinag-uusapan na ang planong magkaroon ng direktang biyahe sa pagitan ng Maynila at Paris.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, magiging mas madali at maginhawa para sa manlalakbay ang pagkakaroon ng direktang biyahe mula at papuntang Paris.
“Having direct flights to Paris will give comfort to the passengers. We are working on it and will announce (details of) this in a few weeks,” ani Bautista nang siya ay nasa tirahan ng French Ambassador sa Makati City.
Umaasa si Bautista na ang Philippine Airlines (PAL) ang mag-oorganisa ng mga direktang biyahe papuntang Paris. Nagpahayag naman ng pagsang-ayon si PAL president Stanley Ng.
Nang hingan nama ng komento, sinabi ni Ng sa Philippine News Agency na posibleng umanong maisakatuparan ang direktang biyahe papuntang Paris at patuloy na naghahanap ang PAL ng mga bagong ruta.
Aminado rin si Ng na marami pang dapat ikonsidera ang PAL, tulad ng mga airport slots at ang pagdating ng mga bagong eroplano.
Umaasa naman si Ng na magiging matagumpay ang bagong proyekto na ito sa pagitan ng mga aviation bodies ng Pilipinas at France na nilagdaan kahapon, Setyembre 3, 2024.
“I’m expecting improved safety and efficiency across all (Philippine airports). The renewal of commitment is also timely as many OFWs (overseas Filipino workers) are flying in December,” aniya.
Samantala, ibinahagi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Manuel Tamayo na inaprubahan na ng CAAP at ng Manila International Airport Authority ang
plano ng Air France, ang pambansang carrier ng France, na magpalipad ng mga direct flights papuntang Paris simula sa Disyembre ngayong taon.
“Frequency is three to four times weekly. We (CAAP and MIAA) already approved it, but of course I couldn’t speak on behalf of the Civil Aeronautics Board,” ani Tamayo.
Sinabi ni Bautista na ang pakikipagtulungan ng Pilipinas at Pransiya ay umiikot sa usapin ng airworthiness, pagpapalitan ng mga datos tungkol sa carbonization, kaligtasan, digitalisasyon at iba pang mahahalagang isyu. Kasama rin dito ang capacity building ng mga tauhan ng CAAP sa pamamagitan ng pagsasanay.
Ayon kay Tamayo, nagsimula ang kolaborasyon noong 2018 at marami nang tauhan ng CAAP ang sumailalim sa pagsasanay. “We need the training for us to be following the international standards,” aniya.
Ang pagkakaroon ng direktang biyahe sa pagitan ng Maynila at Paris ay magiging malaking tulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho at nag-aaral sa Pransiya, pati na rin sa mga turista na gustong maglakbay papuntang Europa.