National News
PBBM at Speaker Romualdez, nakuha ang pinakamataas na trust at approval ratings sa latest survey
Nakuha nina President Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez ang pinakamataas na trust at approval ratings sa pinakabagong national survey na “Boses ng Bayan” ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) sa unang quarter ng taon.
Base sa independent at non-commissioned survey na ginawa nitong Marso 18-23, nakakuha ng 79% trust rating at 76% approval rating si Marcos habang si Romualdez naman ay nakakuha ng 75% trust rating at 72% na approval rating.
Sa parehong survey, nakakuha naman si Vice President Sara Duterte ng 77% trust at 74% approval rating, samantalang si Senate President Juan Miguel Zubiri ay may 73% trust at 70% approval.
Batay sa RPMD, layon ng survey na makapagbigay ng “insightful analysis” sa trust at approval ratings ng mga matataas na lider ng gobyerno ng Pilipinas.
Ang trust ratings ni PBBM ay pinakamalakas sa balance Luzon na may 86%, sinundan ng 75.1% ng Visayas, National Capital Region na may 73.3% at 71.7% sa Mindanao.
Pagdating naman sa approval ratings, 81.6% sa balance Luzon, 72.1% sa National Capital Region, 71.9% sa Visayas at 70.6 sa Mindanao.
Kapwa naman nakakuha ng positibong rating ang senado at House of the Representatives, ang senado ay may trust rating na 83% at 80% na approval rating habang ang House of Representatives ay may trust rating na 78% at job satisfaction rating na 75%.
Ang “Boses ng Bayan” survey ay kumuha ng 10,000 respondents na pinili mula sa 67.75 na milyong rehistradong botante. Nakabase ang dami ng bawat lugar sa opisyal na voter statistics ng bansa.
Mayroon itong margin of error na +/- porsyento at confidence level na 95%.