Connect with us

National News

PBBM dinipensahan si VP Sara sa pananahimik sa isyu sa South China Sea

Published

on

PHOTO: Presidential Communications Office

Dinipensahan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte sa pananahimik nito sa nangyayaring tensyon sa South China Sea.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag nang tanungin sa isang media interview sa kanyang pagdalo sa trilateral summit sa Washington D.C. tungkol sa pananatiling tahimik ni VP Sara kaugnay sa isyu sa China.

Paliwanag ng punong ehekutibo, hindi sakop ng posisyon ni VP Sara bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Department of Education ang China issue.

Aniya, kung may pangamba si Duterte sa pagtrato ng pamahalaan sa isyu ay siguradong didiretsahin siya nito.

“So, I think we are all in line because I’m very sure that if Inday Sara had some very serious misgivings about what we are doing in terms of foreign policies, she would bring that to me,” saad ng Presidente.

Dagdag pa niya, “And, wala naman siyang, ang pinag-uusapan nga namin, sabi niya, ‘Basta ako trabaho lang ako nang trabaho,’ sabi niyang ganun. That’s a good policy. So, I don’t think it is something that we need to be concerned with.”

Pinawi rin nito ang mga espekulasyon na ang trilateral na kasunduan ng Pilipinas sa Estados Unidos at Japan ay magkakaroon ng epekto sa impluwensya ng ekonomiya ng China sa Pilipinas.

Ipagpapatuloy umano ng China ang anumang pamumuhunan na pipiliin nitong gawin sa Pilipinas.

“This (trilateral agreement) is separate from any proposed or potential Chinese investments in the Philippines. How do I see it, how will it affect? I don’t see that it will affect, one way or the other,” pahayag ni President Marcos.

Kung matatandaan, kamakailan lamang ay naitanong si Duterte kaugnay sa pag-atake ng China sa mga Pinoy pero “No Comment” lang ang sagot nito.