National News
PBBM inaprubahan ang tatlong buwan na pagpapalawig sa PUV consolidation
Inaprubahan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng tatlo pang buwan sa franchise consolidation ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
“President Ferdinand Marcos Jr. has approved Transport Secretary Jaime J. Bautista’s recommendation, granting an additional three months until April 30, 2024 for the consolidation of public utility vehicles,” pahayag ng PCO nitong Miyerkules.
“This extension is to give an opportunity to those who expressed intention to consolidate but did not make the previous cut-off.”
Sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na nasa 190,000 units na ng mga public utility vehicles na binubuo ng mga UV Express, PUJ, mini-bus at bus ang nakapag-consolidate.
Batay sa LTFRB, nakapag-consolidate na rin ang 82 porsyento ng UV Express,75 porsyento ng jeepney, 86 na porsyento ng bus at 45 na porsyento ng mini-bus sa kalagitnaan ng Enero.
Sinimulan ng gobyerno ang modernization program noong 2017 at nakapagtatag na ng 1,728 na kooperatiba na may 262,344 na mga miyembro.
Ipinapatupad ang PUVMP para matugunan ang lumalalang problema sa transportasyon at magiging pangangailangan ng bansa sa hinaharap.
Layon ng programa na baguhin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa at gawing mas marangal, makatao, at naaayon sa global standards.
Nais din nitong mabigyan ng komportableng biyahe ang mga Filipino commuter sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas ligtas, mas mahusay, maaasahan, maginhawa, abot-kaya, climate-friendly, at environmentally sustainable na sistema ng transportasyon sa bansa.