Connect with us

National News

PBBM ipinag-utos sa mga ahensya ng gobyerno ang pag-consolidate sa serbisyo ng turismo sa Pinas; sports at food travel may malaking potensyal sa turismo

Published

on

PHOTO: Presidential Communications Office

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno ang konsolidasyon ng sistema ng turismo sa bansa para makayang makipagsabayan ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.

Ipinahayag ng Pangulo ang direktiba sa pulong kasama ang mga miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector sa Malacañang nitong Huwebes para pag-usapan ang mga rekomendasyon para mas makaakit ng mas maraming turista.

Binanggit ng Pangulo ang tourism industry ng Thailand na umano’y mas organisado ang istraktura pagdating sa mga hotel at flight booking, pag-arrange ng driver at tour guide at iba pang makapagpapagaan ng bakasyon ng mga turista.

Sinabi rin ng Punong Ehekutibo na sa halip na pumunta sa Pilipinas ay mas pinili ng isa niyang kaibigan na magbakasyon sa Thailand, aniya, lahat kasi ng mga pangangailangan ng isang turista sa Thailand ay inaasikaso ng kanilang mga service provider hindi tulad sa bansa.

“I was talking to a friend and he said I am going to Thailand and I said why go to Thailand, go to the Philippines where it’s nicer, cheaper. But he said in the Philippines [I book] the hotel, I have to be the one to arrange for my driver.  I have to be the one to arrange my tour guide, and if I want to go out of town, and then I pay each step of the way,” saad ng Pangulo.

“So, there’s the thing. I guess, you know, consolidate the system. So that it’s because when you’re on vacation, you just want to stay at the beach and have a nice time. So, I think it’s the facilities that we have to develop,” dagdag pa niya.

Inatasan din ni PBBM ang Department of Tourism na tingnan ang potensyal ng sports development at Filipino cuisines para makaakit ng mga turista.

“The one area that I think is easy is sports development because they (athletes) are here, we just have to make the facilities better. Also food tourism has huge potential but it is largely untapped, there’s a lot of room to improve,” pahayag niya.

Inirekomenda naman ng PSAC sa pangunguna ni Sabin Aboitiz ng Aboitiz Equity Ventures Inc., na simulan ng bansa ang kampanya para ipakilala ang mga native cuisines at mag-host ng mga major sporting events para makaengganyo ng mas maraming turista tulad ng ginawa ng India, China, Singapore at Thailand.

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong ang iba pang miyembro ng PSAC na sina Lance Gokongwei ng JG Summit Holdings Inc., Lucio Tan III ng LT Group, Rene Limcaoco ng Hertz Philippines at Lourdes Josephine Gotianun-Yap ng Filinvest Development Corporation.

Marami pang mga rekomendasyon na inihayag ang PSAC para makasabay ang Pilipinas pagdating sa sektor ng turismo partikular sa pagtitiyak na ang mga turista ay “bibisita, mananatili, gagastos ng pera at babalik” sa bansa.

Isa pa sa mga naisip nilang hakbang ay ang pagpapagaan ng visa access partikular na para sa mga turista tulad ng ginagawa sa Thailand, Vietnam at Malaysia.

Inirekomenda ng advisory body na pansamantalang mag-alok ng 30-day visa-free entry para sa mga turista habang nagpapatuloy ang pag-streamline ng proseso ng e-visa at pag-tap sa mga serbisyo ng isang third-party service provider para pangasiwaan ang eVisa system.

Idinagdag rin ng PSAC ang pagpapabuti sa airport connectivity at capacity para sa international demand na nangangahulugan ng pagpapabilis ng public private partnership (PPP) sa mga regional airports para mapataas ang international airport connectivity at capacity sa mga international airlines.

Ang iba pang hakbang na nabanggit ay ang pag-match ng hotel supply sa mga kalapit na bansa sa pamamagitan ng mas magandang insentibo tulad ng VAT refund scheme para sa mga turista.

Umabot sa mahigit 5.4 milyon ang mga turistang bumisita sa Pilipinas noong nakaraang taon na may katumbas na P482.54 billion tourism receipts.

Mahigit sa 1.4 milyong airline seats ang na-book na may 80% pagtaas sa pre-COVID incoming seat capacity batay sa datos.