National News
PBBM, nilinaw na ang taas-presyo ng bigas ay nararanasan din sa ibang bansa
Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos na ang isyu sa presyo ng bigas ay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya.
Ito’y matapos tanungin ng isang letter sender sa pamamagitan ng Bahay Ugnayan kung ang ibig sabihin ba ng BBM ay “Bigas Biglang Mahal”.
Nilinaw ni Marcos na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay nararanasan sa buong mundo at hindi partikular lang sa Pilipinas.
“Hindi natin maiwasan na makita, talagang nagiging problema ang pagtaas ng presyo ng bigas dito sa Pilipinas. Pero, kung titignan po natin kahit na ‘yung mga nag e-export na mga bansa ay tumataas din ang presyo nila, halos katumbas lang ng pagtaas dito sa Pilipinas,” pahayag ng pangulo.
Sinabi ng Pangulo na ginawa ang mga pag-aaral upang obserbahan ang presyo ng bigas sa Pilipinas kumpara sa mga nangungunang bansang nagluluwas ng bigas tulad ng Vietnam at Thailand.
Aniya, nagpakita ito ng “external shocks” tulad ng epekto ng paggalaw ng presyo ng langis.
Saad pa niya, nagpapatunay na nakakaapekto ang naturang problema sa mga rehiyon.
Pangako naman ni Marcos, ginagawa ng gobyerno ang lahat para matiyak ang sapat na suplay ng bigas at mapatatag ang presyo nito sa bansa.
“Ginagawa natin lahat upang naman ang produksyon natin ay maging sapat na hindi na tayo nag-iimport mababawasan ang mga inputs, kung tawagin para sa ating mga farmer at sana naman ay ma-stabilize manlang natin ‘yung presyo ng bigas,” giit ni PBBM.
Binigyang-diin ni Marcos na ginagawa ng gobyerno ang lahat para matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa merkado.
Sinagot din ng Pangulo ang isa pang mga katanungan mula sa mga liham na natanggap ng Tanggapan ng Pangulo kaugnay sa naibalik na gusali sa loob ng compound ng Malacañang na ginawang museo at binuksan na sa publiko.
Bukod sa mga isyu sa presyo at suplay ng bigas, ilan sa mga tanong na sinagot ng Pangulo sa kanyang vlog ay mula sa pulitika hanggang sa jeepney modernization program, at iba pang mahahalagang isyu.