National News
PDU30, PINULONG ANG KANYANG MGA GABINETE PARA PAG-USAPAN ANG KINAKAHARAP NA KRISIS PANGKALUSUGAN NG BANSA AT IBA PANG MGA ISYU
Tinipon ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ilan sa mga miyembro ng kanyang gabinete upang pag-usapan ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang labanan ang COVID-19 pandemic.
Sa isang pre-recorded message ay inihayag ni pangulong Duterte ang kanilang napag-usapan kabilang na ang bagong mga community quarantine classifications na ipapatupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Hunyo 16 hanggang 30, 2021.
Sa loob ng 15 araw ay inilagay ang Metro Manila at Bulacan sa ilalim ng general community quarantine “with some restrictions” habang ang Iloilo City at Iloilo Province naman ay isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine.
Ibinida ng pangulo na bumaba ang bilang ng lingguhang COVID 19 cases bunsod ng paghihigpit sa mga quarantine restrictions noong mga nakaraang buwan. Dahil dito ay naging “less congested” umano ang mga ospital sa bansa.
Nagpahayag din ng kasiyahan ang pangulo na nabakunahan na ang higit sa anim (6) na milyong mga Pilipino na nasa ilalim ng Priority Groups A1 (health workers), A2 (senior citizens), A3 (persons with comorbidities) at A4 (economic frontliners).
Samantala, minanduhan ni Duterte ang Department of Tourism, Philippine National Police, at ang mga pamahalaang lokal na paigtingin ang pagpapatupad ng mga protocols sa lokal na turismo at arestuhing ang mga turistang namemeke ng mga COVID-19 tests. Ito ay matapos i-ulat sa kanya na dumarami ang mga namemeke ng COVID-19 tests na isa sa mga requirement upang makabiyahe papunta sa iba’t ibang mga tourist destinations sa bansa.