National News
Pinas binansagang ‘Land of COVID’ sa Thailand tabloid
Bumida ang Pilipinas sa isang sikat na pahayagan sa Thailand matapos na bansagang ‘Land of COVID’ ang bansa.
Bahagi ng banner story ng Thai Rath ang “165 Filipino teachers from the land of COVID, arrived, 3,000 more from different countries expected to return soon.”
Kaya naman naglabas ng pagkadismaya sa facebook post ang ilan sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa pahayagang Thai Rath.
Hindi rin nagustuhan ng isang Thai journalist na si Erich Parpart ang tila diskriminasyon ng naturang tabloid sa karatig-bansa, humingi rin ito ng paumanhin sa mga Pinoy.
Para naman kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, kompetisyon sa turismo ang posibleng dahilan kaya binansagan ng Thai Rath ang Pilipinas na ‘Land of COVID’.
Paliwanag ni Roque, magka-kompetensiya ang Pilipinas at Thailand sa sektor ng turismo kung saan malaki ang naging epekto sa parehong bansa matapos nitong magpatupad ng travel ban para makontrol ang kaso ng COVID-19.
“We are fierce competitors with Thailand when it comes to tourism. I’m sure that their statement that we are the land of COVID is also motivated by the fact that they are struggling to invite people to come to visit Thailand again,” lahad ni Roque sa CNN Philippines.