National News
Pinas, bukas sa mga tumakas sa Afghanistan – Spox Roque
Bukas ang pintuan ng Pilipinas sa mga Afghan refugees matapos ang pagbagsak ng Kabul batay sa Malacañang nitong Martes.
Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing kagabi makaraang tumakas ang libu-libong Afghans sa kanilang bansa matapos na maagaw ng Taliban fighters ang kontrol sa kapital.
“Since time immemorial po, the Philippines has had jurisprudence even before the Convention on Refugees Welcoming Asylum Seekers,” ayon kay Roque.
Hindi aniya magdadalawang isip ang Pinas na tumanggap ng mga indibidwal na tumatakas dahil sa takot sa kanilang bansa.
Binanggit rin niya ang history ng Pilipinas na nagbukas ng pintuan sa mga tumakas sa ibang bansa kabilang na ang mga Russians noong 1917 Revolution at European Jews sa ikalawang Pandaigdigang Digmaan.
“Welcome po ang mga asylum seekers sa Pilipinas. Nung panahon po na natanggal ang czar of Russia, tinanggap po natin sila. Nung panahon po ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan, tinaggap po natin mga Hudyo sa ating bayan.
“Lahat po ng kinakailangan ng kalinga dahil sila po ay pini-persecute sa kanilang bayan, mayroon po kayong lugar dito sa Pilipinas,” paglalahad ni Roque
Inulit naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahandaan ng bansa na tumanggap ng mga refugees sa kanyang first-ever speech sa United Nations (UN) General Assembly noong Setyembre 2020.
“The Philippines continues to honor this humanitarian tradition in accordance with our obligations under the 1951 Convention on the Status of Refugees and the 1967 Protocol,” pahayag ng Pangulo.
Kaugnay nito, ipinaubaya na ni Roque sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-komento kung kikilalanin ng Pilipinas at magiging bukas sa diplomatic channels sa Afghanistan.
“We leave that wholly to the DFA.”
Batay sa UN High Commission for Refugees, aabot sa 400,000 Afghans ang sapilitang pinaalis sa kanilang tahanan.