National News
Pinas posibleng magaya sa India kung walang lockdown sa NCR – Galvez
POSIBLENG maranasan din ng Pilipinas ang naging paglobo ng COVID-19 sa India at Indonesia kung hindi magpapatupad ng enhanced community quarantine sa National Capital Region, giit ni COVID-19 National Task Force Chief Implementer Carlito Galvez Jr. sa mga mambabatas.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Galvez na imposibleng makabangon ang ekonomiya ng bansa sa pagtatapos ng taong ito kung mararanasan ang malalang COVID-19 surge sa bansa dahil sa mabilis na pagkalat ng Delta variant.
“Ang nakita natin dito is, if we will not declare ECQ sa NCR, we will be the next India,” ani Galvez sa House of Representatives Committee on Health.
Masakit aniya ang implementasyon ng ECQ sa Metro Manila ngunit ito ay kailangan para hindi na kumalat pa ang Delta variant.
Nagkunsulta rin daw sila sa business sectors tungkol sa implementasyon ng ECQ at ayon sa mga ito ay kailangang kumilos na ag gobyerno para matigil ang pagkalat ng COVID-19 infections.
“We also consulted the business sector prior to recommending the ECQ status, ang sabi nga nila (they said), if we will not do something drastic to stop the transmission, we might not recover in the fourth quarter,” saad ni Galvez.
Ayon kay infectious diseases expert, Dr. Edsel Salvana, ang Delta variant ay 60 porsyento na mas nakakahawa kaysa sa UK variant (Alpha) at tatlong beses na mas nakakahawa kaysa sa orihinal na SARS-COV-2 virus.
Batay sa pinakahuling datos, nasa 1,619,824 na ang naitalang COVID-19 cases sa bansa at 63,171 dito ang active cases.
Source: https://cnnphilippines.com/news/2021/8/5/Galvez-Metro-Manila-ECQ-to-prevent-India-like-surge.html
https://www.pna.gov.ph/articles/1149432