National News
PNP, Lazada, TIP at UP: Sama-samang laban sa Illegal na bentahan ng Pekeng PNP Item!
Kasado na ang pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP), Lazada Group, Technological Institute of the Philippines (TIP), at University of the Philippines (UP) para sugpuin ang illegal na pagbebenta ng pekeng PNP uniform at iba pang gamit nito. Pormal na nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) nitong Lunes sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Police General Benjamin C Acorda Jr., malaking panganib sa kaligtasan at seguridad ng publiko ang illegal na paggawa at pamamahagi ng opisyal na gamit ng PNP. Suportado rin ng Executive Order (E.O.) No. 297 S. 2000 ang layuning ito.
Ang Lazada Group, bilang isang nangungunang e-commerce platform sa Southeast Asia, ay may mahalagang papel sa paglaban sa illegal na pagbebenta ng PNP item. Samantala, ang pakikipagtulungan sa TIP ay nagpapakita ng kahalagahan ng research at development sa pagpapabuti ng mga operasyon ng batas.
Ang pakikipagtulungan naman sa UP ay naglalayon na mapalawak ang pagkakaunawaan, lalo na sa larangan ng intellectual property, at pagbuo ng mga aktibidad batay sa equality at reciprocity.
“Ang pangyayaring ito ngayon ay simula ng isang alyansa na nakabase sa tiwala, shared na objectives, at mutual respect. Gamitin natin ang ating collective expertise at resources, para makagawa ng bagong daan para sa progress at innovation sa loob ng PNP,” dagdag pa ni CPNP Acorda.