National News
Random drug test sa lahat ng public officials, isinusulong sa Kamara
Isinusulong sa Kamara ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na sumailalim sa drug test ang lahat ng mga public officials. Ito any bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs.
Sinabi ni Barzaga sa pulong ng House Dangerous Drugs na isang kaparehong resolusyon na inihain ni Surigao del Norte Rep. Robert Barbers ang nakabinbin pa sa Kamara. Iminumungkahi ng nasabing resolusyon na magkaroon ng drug test sa mga miyembro ng Kamara.
Subalit, sinabi ni Barzaga na sa resolusyon na kanyang nakatakdang ihain, lahat ng public officials, kabilang na ang mga senador, gobernador, mayors at hanggang sa barangay level ay dapat sumailalim sa random drug test.
Aminado si Barzaga na sa hanay ng local government units ay madali nang ipatupad ang random drug test sa bisa lamang ng isang memorandum of agreement na ipalalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), kaya naman umaasa syang susuportahan ng Senado at Kamara ang kanyang panukala.
“Hindi kasi madali magpasa ng legislation dahil iba-iba ang tingin ng mga mambabatas sa drug test, ang hamon ko lang sa kanila, kung ayaw ng drug test ay pwede nating masabi na may itinatago, dahil kung hindi naman sangkot sa drugs ay madali itong magboluntaryo na magpa-drug test” pahayag ni Barzaga.
Sinabi ni Barzaga na ang pagsasagawa ng ganitong test sa mismong mga opisyal ng gobyerno ang siyang magpapabalik ng tiwala ng publiko sa mga opisyal at pagtalima din sa polisiya ng Civil Service Commission na drug free workplace.
Pabor naman si Ako Bicol party-list Rep Alfredo Garbin sa panukala ni Barzaga subalit mas pabor daw ito na gawing mandatory sa lahat ng elected officials ang drug test at hindi lamang random. Aniya, bilang elected official ay accountable ang mga ito sa publiko kaya nararapat lamang na patunayan nitong hindi sangkot sa paggamit ng illegal drugs.